PAMBANSANG BUWAN NG SINING, IPINAGDIWANG; TALENTONG STATEAN, IPINAMALAS SA ARTE DE VARAYTE

Bilang bahagi ng paggunita ng Pambansang Buwan ng Sining na may temang “Ani ng Sining, Bayang Malikhain,” isang pangpamantasang pagdiriwang na dinaluhan ng mga guro, tagasanay, at mga mag-aaral mula sa apat na kampus ng CBSUA ang idinaos sa pangunguna ng Sentro ng Wika, Kultura at Sining na pinamumunuan ni Dr. Leopoldo R. Transona Jr. noong ika-apat ng Marso, 2024 sa Alvaro Rabina Hall ng CBSUA.

Isang makulay na pagdiriwang ang isinagawa ng pamantasan na sinimulan sa isang simposyum kung saan inilunsad ang eksibit na may layong ipakita ang mayamang sining at kultura ng Pilipinas sa paglipas ng panahon. Ang programa ay sinimulan sa pagtatanghal ng Teatro Ladawan at awitin ng CBSUA Chorale na sinundan ng mga mensahe ng pagsuporta mula sa mga opisyal ng institusyon.

Sa sentro ng simposyum, pinag-usapan ang iba’t ibang aspeto ng sining sa pamamagitan ng mga panayam sa mga eksperto. Ang mga panauhing tagapagsalita na sina Ginoong Michael Andrew Embestro, Myiembro ng Komite ng Edukasyon ng NCCA, at si Ginoong David Caballero, Pambansang Tagapagsanay sa Sining Biswal ng NCCA, ay nagbahagi ng kanilang mga kaalaman at pananaw sa sining at kultura ng Pilipinas.

Kinahapunan, isang parada ang isinagawa na dinaluhan ng mga mag-aaral, tagasanay at guro ng pamantasan. Kabilang din ang mga kalahok sa Body Painting Contest mula sa Pili, Sipocot, at Calabanga Campus.

Sa huling bahagi ng pagdiriwang, ipinamalas ng mga kalahok mula sa apat na kampus ng pamantasan ang kanilang galing at talento sa sining at musika sa “Arte de Varayte”. Isang mahalagang pagpapakita ito ng kasiglahan at kakayahan ng mga mag-aaral ng CBSUA sa larangan ng musika at sining.

Share on facebook
Share on twitter

Related News