CBSUA SWKS, NANGUNA SA PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKA, PAGPUGAY SA KULTURANG ASEAN

Alinsunod sa Memorandum Blg. 08-064, serye 2024, na nagtatakda ng Taunang Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, kasabay ang pagkilala at pagdiriwang din ng Buwan ng ASEAN na isang pagpupugay sa kulturang ASEAN, matagumpay na isinagawa ang isang makabayang programa nitong Lunes, ika-19 ng Agosto 2024, ganap na ika-7:00 ng umaga. Pinangunahan ito ng Sentro ng Wika, Kultura, at Sining (SWKS), sa pamumuno ni Dr. Christian C. Vega, kasama ang mga kagalang-galang na dekana mula sa iba’t ibang departamento ng ating kampus.

Ang buwan ng Agosto ay kilala bilang paggunita sa kaarawan ng dating Pangulong Manuel L. Quezon, ang Ama ng Wikang Pambansa. Ngayong araw ay kanyang ika-146 na kaarawan, at bilang pagkilala sa kanyang dakilang ambag sa pagpapalaganap ng Wikang Filipino, nagkaroon ng pag-aalay ng bulaklak bilang tanda ng pagpapahalaga at paggalang sa kanyang mga naiambag sa ating bayan.

Sa temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya,” binigyang-diin ang mahalagang papel ng wikang Filipino sa paghubog ng ating pagkakakilanlan at kalayaan. Ang Filipino ay hindi lamang isang kasangkapan ng komunikasyon, kundi isang daluyan ng kapangyarihan- isang wikang nagbubukas ng pinto sa kaalaman, katarungan, at pagbabago.

Tampok sa programa ang makathaing pagbasa ng mga dekana ng mga tula na isinulat ni Dr. Christian C. Vega, na nagpalutang ng kagandahan at lalim ng kanyang mga obra. Naging makulay at masigla ang selebrasyon na nilahukan ng mga kaguruan, di-guro at kawani ng Pamantasan, na nagpamalas ng makabayang diwa na makikita natin sa mga kasuotang nagliliyab sa kulay ,na sumasalamin sa kultura ng iba’t ibang bansa ng ASEAN.
Sa kabuuan, ang pagdiriwang ay naging matagumpay at makabuluhan, isang paggunita sa ating kasaysayan at pagkakakilanlan bilang Pilipino.

Isang pagbati sa lahat! Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa! | 𝘛𝘢𝘨𝘢𝘱𝘢𝘨𝘴𝘶𝘭𝘢𝘵: 𝘋𝘢𝘯𝘪𝘭𝘰 𝘔𝘢𝘳𝘤𝘰; 𝘌𝘥𝘪𝘵𝘰𝘳: 𝘔𝘢𝘳𝘭𝘦𝘯𝘦 𝘈. 𝘙𝘢𝘮𝘰𝘴

 

Share on facebook
Share on twitter

Related News