Ang Sentro ng Wika, Kultura, at Sining (SWKS) ng CBSUA ay nagsagawa ng programa para sa Hudyat ng Pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong ika-19 ng Agosto 2024, sa pangunguna ng SWKS, Samahan ng Tagapagtaguyod ng WIkang FIlipino (SATAWFIL), mga guro sa Filipino, at mga piling opisyal ng pamantasan.
Binigyang pugay at inalayan ng bulaklak ang Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel L. Quezon sa pangunguna nina Dr. Allan Del Rosario, Administrador ng Pili Kampus, at ni Dr. Raquel Reapor, Unit Head ng SWKS-Pili kampus.
Sinundan ito ng mensaheng pangwika na ibinahagi ni Dr. Emerson Bergonio, Ikalawang-Pangulong pang Akademiko, “Kung kaya’t sa kasalukuyan nakatalaga kayong mga mag-aaral sa bansa na payabungin ang wikang Filipino bilang behikulo ng pag-unlad ninyo at ng lipunan natin.”
Inanunsyo ni Dr. Reapor ang mga gawaing pangwika sa kampus na sa ika-29 ng Agosto 2024 ay isasagawa ang Tertulyang Pangwika at sa ika-30 ng Agosto ay ipapamalas ang husay ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paligsahan at aktibidad.
Nagbahagi naman ng pampinid na mensahe ang Direktor ng SWKS na si Dr. Leopoldo R. Transona Jr.
Layunin ng maikling programang ito na bigyang pagpapahalaga ang Wikang Filipino sa pamamagitan ng pakikiisa sa pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 na may temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya.”