PAMBIHIRANG TALENTO NG MGA STATEANS, IBINIDA SA ARTS AND CULTURE FESTIVAL 2022

Sa pamumuno ng Sentro ng Wika at Kultura/Arts & Culture Affairs, matagumpay na isinagawa ang pagdiriwang ng Arts & Culture Festival 2022 na may temang: “Sining at Kultura ng Pag-asa tungo sa Ibayong Pagpapahalaga” sa CBSUA-LRV Atrium kahapon, Setyembre 29 kung saan ipinamalas ng mga Stateans ang kanilang mga maipagmamalaking talento.

Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga estudyante, dekano at dekana, at mga guro ng iba’t ibang departamento ng pamantasan. Hindi pa nagsisimula ang programa ay damang-dama na ang suporta ng mga manonood sa kanilang mga kalahok.

Sari-saring mga patimpalak ang isinagawa sa buong hapon. Sabay sa maulan na panahon ay siyang pag-ulan din ng talento sa entablado ng Atrium. Nagsimula ang paligsahan sa Literary Filipino at Literary English kung saan nagtagisan ang mga kalahok sa pananalita sa dagliang talumpati/extemporaneous speaking at pagkukuwento/storytelling. Nasaksihan ng lahat kung gaano katatas ang mga kalahok sa pagsagot sa mga katanungang ibinato sa kanila. Ikinatuwa rin ng madla ang pakikinig at panonood sa mga nagbigay buhay sa mga kuwentong kanilang ibinahagi.

Isa rin sa mga inabangan ay ang mga musical events. Instrumental solo, vocal solo, at vocal duet ang mga tampok sa patimpalak. Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang galing sa pagtugtog ng kani-kaniyang instrumento. Ibinida naman sa vocal solo ng mga magkakatunggali ang ganda ng mga awiting kundiman at OPM sa vocal duet.

Hindi pa dito natapos ang saya sapagkat nagpatuloy ang init ng programa sa pinakahihintay na dance contests na may Hip-hop, Contemporary Dance, Folk Dance, at Standard at Latin Ballroom. Sa iba’t-ibang mga sayaw na ito ay naipakita ng mga Stateans ang kanilang husay sa pag-indak at pag-indayog. Napuno ng nakabibinging hiyawan ang buong atrium habang nagtatanghal ang mga kalahok.

Bago matapos ang programa ay nagbigay ng maiksing mensahe ang Campus Administrator ng Pili Campus na si Dr. Celerino Llesol. Inihayag niya kung gaano siya natuwa sa kaniyang mga nasaksihang presentasyon sa entablado.

Natapos ang selebrasyon sa pag-anunsyo ng mga nanalo sa iba’t-ibang patimpalak.

Share on facebook
Share on twitter

Related News