Nagtipon-tipon sa Central Bicol State University of Agriculture ang mga guro, manunulat, tagaplanong pangwika, at iskolar ng iba’t ibang larang mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, simula ika-26 hanggang ika-28 ng Hulyo 2024 para sa pagsagawa ng LIRIP 8: Pandaigdigang Kumperensiya sa Filipino.
Ang kumperensiya ay may temang, “Filipino: Wika at Larang na Handa sa Hinaharap”. Isinagawa ang pagtitipon para sa ikasusulong ng Filipino, edukasyon at lipunan.
Nagbigay ng pambungad na pananalita si Prop. Clarence Darro del Castillo, MBA, Pangulo ng Lumina Foundation. Inukit sa unang araw na ang LIRIP ay isang pambansang kumperensiya sa Filipino na itinaguyod ng Lumina Foundation for Integral Human Development at sa pakikipagtulungan din ng Network of Professional Researches and Educators (NPRE).
Kasabay nito, naglunsad ng bagong samahan si Dr. Leopoldo R. Transona, Jr., Direktor ng Sentro ng Wika, Kultura at Sining (SWKS), CBSUA. Ang bagong samahan ay tinawag na “Pambansang Samahan sa Wika at Kultura (PSWK)”. Nagkaroon ng eleksyon para sa mga bagong itatalagang manlilingkod ng nasabing samahan at hinirang na bagong Pangulo ang Direktor ng SWKS, CBSUA, Dr. Leopoldo R. Transona, Jr.
Ang LIRIP 8 ay dinaluhan ng iba’t ibang panauhin mula sa rehiyon ng Pilipinas, karatig-bansang naging susing-tagapanayam, at sa pakikipagtulungan ng mga Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura. sa kani-kanilang nasasakupan:
MGA SUSING-TAGAPANAYAM
• Dr. Gregory S. Ching
National Chengchi University, Taiwan
Nagbahagi ng kaalamang “Embracing Future Thinking with Classroom Action Researches”
• Engr. Abdon M. Balde, Jr.
Manunulat at Mananaliksik
Nagbahagi ng kaalamang “Ika-21 Siglong Panitikan sa Pilipinas”
• Dr. Jovert R. Balunsay
Direktor, SWKS, Catanduanes State University
Nagbahagi ng kaalamang “Filipino sa Global na Aspekto”
Nagtampok din ng iba’t ibang Papel Pananaliksik ang ilang mga dalubhasa upang magbahagi ng makabuluhang kaisipan.
Nagbigay ng mga pampasiglang bilang ang CBSUA- Sambit, Calabanga Campus, CBSUA- Indayog Dance Company, Pili Campus, at ang CBSUA Chorale na sa ilalim ng SWKS-CBSUA.
Sa ikatlong araw, isinagawa ang hakbang kultura. Pumunta ang lahat na panauhin kasama ang mga naging kawani (Organisasyon sa ilalim ng SWKS-CBSUA at FAMAS) ng nasabing programa sa Jesse Robredo Museum, Peñafrancia Museum at Basilica Church.
Naging matagumpay at siksik ng kaalaman ang kaganapan ng programang LIRIP. Nagagalak at taos-pusong pasasalamat ang iniwan sa pamantasan mula sa lahat ng dumalo. | 𝘜𝘭𝘢𝘵 𝘯𝘪: 𝘎. 𝘎𝘢𝘷𝘪𝘯 𝘋. 𝘏𝘦𝘳𝘵𝘦𝘻, 𝘗𝘢𝘯𝘨𝘶𝘭𝘰 𝘯𝘨 𝘓𝘪𝘵𝘦𝘳𝘢𝘳𝘺 𝘢𝘯𝘥 𝘊𝘰𝘮𝘮𝘶𝘯𝘪𝘤𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯 𝘈𝘳𝘵𝘴 𝘎𝘶𝘪𝘭𝘥; 𝘒𝘰𝘯𝘵𝘳𝘪𝘣𝘺𝘶𝘵𝘰𝘳 𝘯𝘨 𝘓𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯: 𝘍𝘈𝘔𝘈𝘚