Matagumpay na isinagawa noong Marso 27–28, 2025 ang Seminar-Worksyap sa Pagsulat ng Korespondensiya Opisyal na ginanap sa University Library ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), sa pangunguna ng Sentro ng Wika, Kultura, at Sining (SWKS) at Samahan ng mga Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino (SATAWFIL).
Layon ng dalawang araw na gawain na paigtingin ang kaalaman ng mga kalahok sa pormal at wastong gamit ng wikang Filipino sa pagsulat ng mga opisyal na dokumento sa pamahalaan at iba pang institusyon. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Local Government Unit (LGU), Department of Education (DepEd), at apat na kampus ng CBSUA.
Tampok sa seminar-worksyap sina G. John Lerry Dungca, isang Senior Language Researcher, at Dr. John Evie Duclay, isang Linguist Specialist — kapwa mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Tinalakay nila ang iba’t ibang uri ng korespondensyang opisyal, mga pamantayan sa pagsulat at mga hakbang sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng komunikasyon sa mga opisina.
Nagbigay rin ng aktwal na gawain ang mga tagapagsalita upang maisabuhay ng mga kalahok ang kanilang mga natutunan. Sa pamamagitan ng malikhaing interaksyon, naging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagsasanay para sa mga dumalo.