GAWAING KAPULUNGAN AT ORYENTASYON NG MGA SWK DIREKTOR, MATAGUMPAY NA ISINAGAWA SA CBSUA

Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), katuwang ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng Central Bicol State University of Agriculture, isinagawa ang Gawaing Kapulungan at Oryentasyon ng mga SWK Direktor mula sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa noong Mayo 5-6, 2025.

Sa unang araw ng programa, isinagawa ang mga pambungad na aktibidad. Nagbigay ng mensahe sina Dr. Alberto Naperi, SUC Pangulo IV ng CBSUA, at mga kinatawan ng KWF, kabilang sina Dr. Arthur Casanova at Kgg. Carmelita C. Abdurahman. Kasunod nito ang oryentasyon, pagpapakilala ng mga kalahok, at panayam na pinangunahan ng eksperto mula sa KWF na si G. John Lerry Dungca. Tinalakay niya ang Manwal sa Masino na Pagsulat na binubuo ng mga alituntunin sa ortograpiya ng wikang Filipino. Kasunod nito ay ang diskusyon na pinangunahan ni Dr. Evie Duclay, na tungkol sa Korespondensiya Opsiyal.

Sa ikalawang araw, isinagawa ang mas malalim na talakayan ukol sa mga proyekto, pamantayan sa panitikan, at pagpili ng mga kinatawan mula sa bawat rehiyon. Tampok sa mga nagsalita sina Kgg. Abdurahman at Dr. Duclay. Naging masigla ang malayang talakayan at workshop sa hapon bago ang paggawad ng sertipiko sa mga kalahok.

Ang aktibidad ay isinagawa upang higit pang paigtingin ang koordinasyon at pagpapalaganap ng wikang Filipino sa mga institusyong akademiko sa buong bansa. Patuloy na nakikiisa ang CBSUA sa KWF sa pagtupad ng layuning ito.

 

Share on facebook
Share on twitter

Related News